Sa Gitna Ng Kasamaan

Maraming kasamaan ang nakikita natin ngayon sa ating paligid. Dagdag pa rito ang mga kasamaan na nangyayari sa ibang bansa. Marahil nagtatanong ka, "Ano ang dapat natin maging pagtugon dito bilang mga...

rlccphil

Bong Baylon

13 sept. 2025

Sa Gitna Ng Kasamaan

Maraming kasamaan ang nakikita natin ngayon sa ating paligid. Dagdag pa rito ang mga kasamaan na nangyayari sa ibang bansa. Marahil nagtatanong ka, "Ano ang dapat natin maging pagtugon dito bilang mga Kristiano?"May mga nagsasabi na kailangan daw kumilos tayo at ipadama natin sa mga taong gumagawa ng katiwalaan ang galit at poot natin. Gayahin raw natin ang nangyayari ngayon sa Indonesia at Nepal. Maghimagsik raw tayo! Tama ba ito? Hindi. Meron naman nagsasabi na huwag na lang daw tayo makialam. Kamunduhan lang ito at hindi dapat tayo makilahok sa mga kaganapan dito. Hayaan na lang natin sila. Tama ba? Hindi rin.

Ano nga ba ang kalooban ng Diyos para sa atin? Ito ang mas mahalagang tanong kaysa opinyon ng tao. Ang nais natin maging pagtugon ay yung ayon sa kalooban ng Diyos. Nais natin bigyan Siya ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagsunod natin sa Kanyang mga utos. Tatlong utos ng Diyos ang dapat natin maging pagtugon bunga ng mga nangyayari sa ating bansa.

Una, sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo, "Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti. Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao." (2 Timoteo 3:1-5)

Sa madaling salita, una sa lahat, huwag tayo tumulad sa mga taong masama. Kung saan man tayo nilagay ng Diyos sa mundong ito, gawin natin ang matuwid at tama, at huwag tayong gumaya sa mga masasama. Ang pagbabago ng bansa natin ay mag-uumpisa sa mga taong tulad natin na kumikilala sa Diyos at may takot sa Diyos.

Sinabi rin ni apostol Pablo sa mga taga Filipos, "Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus." (Filipos 4:6-7)

Dahil rito, ang ikalawang bagay na dapat natin gawin ay ilapit natin sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin ng may pasasalamat ang ating nararamdaman (galit man o poot) at hingin natin sa Kanya kung ano ang nais natin mangyayari sa ating bansa. Ang tawag dito ay "Lament." Sa pamamagitan nito, ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ay ipagkakaloob Niya sa atin. Hindi kalooban ng Diyos na tayo'y maghimagsik o manakit ninuman sa pamamagitan ng salita o gawa.

At ikatlo, sinabi naman ni apostol Pedro sa mga mananampalataya sa iba't ibang lugar na nagdurusa bunga ng mga kasamaan sa mundo, "At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung masigasig kayo sa paggawa ng mabuti? At sakali mang usigin kayo dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, pinagpala kayo! Huwag kayong matakot sa kanila at huwag kayong mabagabag. Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag sa inyo tungkol sa pag-asang nasa inyo. Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at may paggalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali bilang mga lingkod ni Cristo." (1 Pedro 3:13-16)

Sa madaling salita, magpatuloy tayo sa paggawa ng mabuti sa kapwa. Sundin natin ang kalooban ng Diyos kahit meron naglalait sa atin. Huwag tayo matakot. Bagkus panatiliin natin ang ating pag-asa sa Panginoon. Higit sa lahat, magpatuloy tayo sa pagbabahagi ng Mabuting Balita dahil ito lamang ang kapangyarihan ng Diyos para sa pagbabago ng puso ng tao. Hindi politika ang solusyon sa problema ng tao, kaligtasan mula sa Panginoon.

Hindi masama ang magsalita ng saloobin natin sa social media. Ngunit pag-ingatan natin ang ating puso upang huwag madala ng agos. Kapag wala ang Panginoon, wala rin solusyon. Kung nalulungkot o nagagalit tayo sa mga nangyayari, manalangin tayo at huwag magkasala. Gamitin natin ang mga situwasyon ngayon bilang pagkakataon para ibahagi ang ating pag-asa kay Cristo. Sabi nga ni Pablo, "Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala." (Efeso 4:26)

Mga kapatid, wala sa kamay natin ang pagbabago ng puso ng mga tao. Nasa Panginoon. Kung meron tayong magagawang mabuti, gawin natin ito. Kung meron tayong posisyon o tungkulin, gamitin natin ito sa katuwidan. Kung kailangan magsalita tayo, sabihin lamang natin ang katotohanan at hindi ang opinyon natin sa mga bagay-bagay, lalo na kung wala naman tayong facts. Kung makakatulong tayo kaninuman, gawin natin ito para sa ikaluluwalhati ng pangalan ni Jesus na ating Panginoon.

Tandaan: Kapag wala ang Panginoon, wala rin solusyon.

Nagmamahal sa inyong lahat, Pastor Bong Baylon ng RLCC.

Memorize this verse

Need Prayer?

Click here

Sign up for our newsletter

Get the latest from RLCC on your inbox